Pormal nang nararamdaman ng lungsod ng Naga ang mga benepisyo ng flagship housing program ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. matapos i-turnover nitong Huwebes, Hunyo 18 ang mga modular shelter units (MSUs) sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program.
Ang mga bagong pabahay na pinangunahan ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ay nakalaan para sa mga pamilyang kasalukuyang nakatira sa mga danger zone at gilid ng mga daluyan ng tubig sa lungsod.
Naging highlight ang turnover ceremony sa pagdiriwang ng anibersaryo ng Naga City Charter na pinamunuan ni Mayor Leni Robredo, kasama si DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling.
Dumalo rin sa aktibidad sina DHSUD Senior Undersecretary Eduardo Robles Jr. na pinuno ng Expanded 4PH-Project Management Office, Pag-IBIG Fund CEO Marilene Acosta, at Social Housing Finance Corporation (SHFC) President at CEO Federico Laxa.
“Patunay po ang activity na ito sa seryoso at may malasakit na serbisyong pabahay ni Pangulong Marcos Jr. Patuloy po sa pakikipag-ugnayan ang DHSUD sa ating mga LGU upang mas mapalawak pa ang Expanded 4PH,” pahayag ni Sec. Aliling.
Mula Plano Tungo sa Katuparan
Matatandaang noong Pebrero, personal na binisita nina Pangulong Marcos Jr., Sec. Aliling, at Mayor Robredo ang Oplan Kontra Baha operation sa Sagop Creek sa Barangay Triangulo. Doon ay nangako ang pambansang pamahalaan na maglalaan ng pabahay para sa mga pamilyang maaapektuhan ng clearing operations sa mga ilog at sapa.
Ang proyektong ito ay bunga rin ng Consultative Meeting na ginanap sa DHSUD Central Office noong Hunyo 4, 2025 sa pagitan ni Mayor Robredo at mga opisyal ng kagawaran.
Mga Highlight ng Aktibidad sa Naga City
- Bayanihan Village sa Brgy. Pacol: Isinagawa ang ribbon-cutting, pagbabasbas, at simbolikong paggawad ng mga susi ng MSUs na magsisilbing kagyat na tulong-pabahay sa mga pamilyang inilikas mula sa mga delikadong lugar.
- Naga City Rental Housing Project sa Brgy. Lerma: Sinimulan ang proyekto sa pamamagitan ng isang groundbreaking ceremony at ipinasilip din ang disenyo ng gusali na magiging blueprint para sa mga susunod na rental housing sa lungsod.
- Pinalakas na Kasunduan (MOU/MOA): Nagpirmahan ng Memorandum of Understanding (MOU) ang lokal na pamahalaan ng Naga at Pag-IBIG Fund. Pumasok din sa isang Memorandum of Agreement (MOA) ang lungsod kasama ang Bella Vita para maghatid ng mas magagandang opsyon sa pabahay para sa mga Bicolano.
- Tulong sa Land Tenure: Iniabot din ang tseke para sa Sabang Puro Urban Kabisig Homeowners’ Association sa ilalim ng Enhanced Community Mortgage Program (ECMP) ng SHFC upang matulungan ang mga organisadong komunidad na magkaroon ng sarili at ligtas na lupa.
Binigyang-diin ni Sec. Aliling na ang mga hakbang na ito ay patunay ng direktiba ni Pangulong Marcos Jr. na makipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan upang masigurong walang pamilyang maiiwan habang nagtatayo ng mas ligtas, matatag, at inklusibong mga komunidad sa buong bansa.
📷 DHSUD






