Ipinakilala ng isang paaralan sa Israel sa ating Embahada sa naturang bansa ang kanilang pinakabagong imbensyon — isang multi-functional na lego robot.
Ito ang ibinahagi ni Philippine Ambassador to Israel Aileen Mendiola sa panayam sa programang “Babangon Sa Makabayang Serbisyo Publiko”.
Ayon kay Ambassador Mendiola, ang aktibidad na ito ay bahagi ng kanilang patuloy na pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang komunidad.
Masayang ibinahagi ng Embassy official na naging sentro ng aktibidad ang isang natatanging exhibit na nilahukan ng mga mag-aaral mula sa nasabing eskwelahan.
Binigyang-diin niya na karamihan sa mga dumalong estudyante ay mga kabataang may “special needs” subalit nagpamalas ng pambihirang dedikasyon at mataas na motibasyon.
Dagdag pa ng ambassador, labis siyang humanga sa husay at talino ng mga mag-aaral na nasa sampung (10) taong gulang pa lamang.
Bukod sa pagbuo ng mekanikal na istruktura, sumasailalim din ang mga mag-aaral sa pagsasanay kung paano mag-code o ang tinatawag na computer coding.
Dahil sa kahanga-hangang inisyatibang ito, nagpahayag na ng interes ang paaralan na magkaroon ng opisyal na kasunduan o partnership sa Embahada ng Pilipinas.
Naniniwala si Ambassador Mendiola na ang ganitong uri ng ugnayan sa pagitan ng diplomatikong tanggapan at ng sektor ng edukasyon sa Israel ay isang mabisang paraan upang lalong mapagtibay ang samahan, pagtutulungan, at malalim na pagkakaibigan ng dalawang bansa.