Nagpaalala ang Department of Health o DOH sa publiko na magsagawa ng regular na clean-up activities ngayong tag-ulan upang maiwasan ang pagdami ng kaso ng dengue.
Ayon sa DOH, mahalagang alisin ang mga posibleng pamugaran ng lamok sa mga tahanan at komunidad. Patuloy ding isulong ang kampanyang “Taob, Taktak, Tuyo, Takip Kontra Dengue” dahil kung walang lamok, walang dengue.
Batay sa tala ng DOH, umabot sa 50,727 dengue cases ang naitala mula Enero hanggang Mayo 2026. Gayunman, mas mababa ito ng 56 porsyento kumpara sa 114,308 kaso na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Paalala ng DOH, ang dengue ay karaniwang sakit tuwing tag-ulan at dulot ng kagat ng Aedes Aegypti mosquito na nabubuhay sa malinis ngunit nakatiwangwang na tubig. | ulat ni DK Zarate