Naglaan ang Department of Budget and Management o DBM ng paunang 362 milyong piso para sa rehabilitasyon at muling pagtatayo ng mga pampublikong pasilidad na nasira ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa ilang bahagi ng Mindanao noong June 8.
Ayon sa DBM, alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na agad magbigay ng tulong sa mga apektadong komunidad.
Mula sa Local Government Support Fund, direktang ipapadala ang pondo sa mga lokal na pamahalaan sa Sarangani, General Santos City, at South Cotabato upang mapabilis ang pagbangon at pagkukumpuni ng mahahalagang imprastraktura.
Kabilang sa inilabas na pondo ang 100 milyong piso para sa General Santos City, 140 milyong piso para sa Sarangani, at 122 milyong piso para sa South Cotabato para sa pagkukumpuni ng mga gusali, kalsada, tulay, at ospital na napinsala ng lindol.
Sinabi ni DBM Secretary Kim Robert de Leon na bahagi ito ng mas malawak na disaster response at recovery program ng pamahalaan. Dagdag niya, hindi dapat naghihintay ang mga mamamayan sa oras ng sakuna at dapat agad nilang maramdaman ang tulong ng gobyerno.
Mayroon ding nakahandang karagdagang pondo mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Fund at Quick Response Fund para sa patuloy na relief, rehabilitasyon, at rekonstruksyon sa mga apektadong lugar. | ulat ni DK Zarate