Binigyang diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung gaano kaseryoso ang kanyang administrasyon sa kampanya laban sa korapsyon kasabay ng pagsisikap ng pamahalaan na makahikayat ng mas maraming foreign investment.
Sa joint press conference kasama si German President Frank-Walter Steinmeier sa Malacañang, natanong ang Pangulo kung paano tinutugunan ng gobyerno ang korapsyon, kasunod ng talakayan hinggil sa kalakalan at investments sa Pilipinas.
Bilang tugon, sinabi ni Pangulong Marcos Jr. na isa ang korapsyon sa pinakamabigat na suliraning kinakaharap ng anumang pamahalaan dahil naaapektuhan nito ang paghahatid ng serbisyo at pagpapatupad ng mga programa ng gobyerno.
Ayon sa Pangulo, walang madaling paraan upang sugpuin ang katiwalian kaya kinakailangang baguhin ang mga sistemang nagbibigay-daan sa mga abusadong gawain at panagutin ang mga sangkot dito.
Binigyang-diin diin pa ng Punong Ehekutibo na pera ng taumbayan ang nawawala sa tuwing may korapsyon sa gobyerno at dapat itong maibalik sa mga Pilipino. | ulat ni Racquel Bayan