Photo Courtesy: Wikimedia Commons
Naglunsad ng 45 araw na pormal na imbestigasyon ang parliament ng South Korea mula nitong Huwebes kaugnay sa kakulangan ng mga balota sa nakaraang lokal na halalan noong Hunyo 3.
Ito’y matapos lumitaw ang mga reklamo mula sa ilang presinto kung saan nagkaroon nang pagkaantala sa pagboto dahil sa limitadong bilang ng mga balotang naipamahagi.
Ang panel ng imbestigasyon ay binubuo ng mga mambabatas mula sa nangungunang Democratic Party, pangunahing oposisyon na People Power Party (PPP), at mula sa minor parties.
Ayon sa mga mambabatas, layunin ng pagsisiyasat na matukoy kung nagkaroon nang pagkukulang sa pagpaplano, pag-imprenta, at distribusyon ng mga balota.
Titingnan din kung may naging epekto ang insidente sa karapatan ng mga botante at sa kredibilidad ng proseso ng eleksyon.
Iginiit din ng National Election Commission ng South Korea na nagsasagawa rin ito nang hiwalay na pagsusuri upang malaman ang ugat ng problema at maiwasan itong maulit sa mga susunod na halalan.
Sa kabila ng mga ulat ng kakulangan ng balota, sinabi ng mga awtoridad na walang indikasyon sa ngayon na naapektuhan ang kabuoang resulta ng eleksyon.
Gayunman, nananatiling sentro ng usapin ang pagpapanatili ng tiwala ng publiko sa sistemang electoral ng kanilang bansa.