Mula sa Red Alert ay ibinaba na sa Blue Alert Status ang Disaster Response Command Center (DRCC) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Kasunod ito ng pagbaba rin ng alert status ng National Disaster Risk Reduction and Management Operations Center kaugnay ng magnitude 7.8 na lindol sa Maasim, Sarangani.
Bagama’t ibinaba ang alert level, tiniyak naman ng DSWD na mananatiling nakatutok ang ahensya sa sitwasyon ng mga pamilyang naapektuhan at patuloy ang koordinasyon para sa maayos at mabilis na paghahatid ng tulong.
Sa pinakahuling tala ng DSWD, umabot na sa 381,998 family food packs ang naipamahagi sa mga apektado ng lindol sa iba’t ibang lugar.
Samantala, pumalo na rin sa ₱270.24 milyon ang halaga ng naipamahaging humanitarian assistance sa mga pamilyang nasalanta, at inaasahang madaragdagan pa habang nagpapatuloy ang response at recovery operations.