Inaalam na ng mga awtoridad kung may mga kasabwat pa ang naarestong dalawang indibidwal na umano’y nagpapanggap bilang mataas na opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Davao.
Ang mga suspek ay nagpanggap na chairman at vice chairman ng DPWH upang makialam sa mga proyekto ng ahensya sa Davao City.
Nagbabala si Public Works Secretary Vince Dizon sa publiko na mag-ingat sa mga taong nagpapakilalang opisyal ng DPWH na nakikipagtransaksyon kaugnay ng mga proyekto ng ahensya.
Lalo pang nabuking na peke ang mga nagpakilalang taga-DPWH dahil matapos maaresto ng CIDG ay sinabi ni Secretary Dizon na walang chairman at vice chairman ang kagawaran.
Hinikayat ng kalihim ang publiko na agad iulat sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang transaksyon o indibidwal na nagpapakilalang kinatawan ng DPWH.
Maaaring makipag-ugnayan sa DPWH Hotline 165-02 at sa official social media account ng DPWH.