Binigyang-diin ni House Committee on Social Services at Davao Oriental Rep. Rep. Cheeno Miguel Almario na hindi hinarang ng Kamara ang anti-epal na probisyon sa panukalang i-nstitutionalize ang AICS (Assistance to Individuals in Crisis Situations) program.
Ayon kay Almario, kaya lang na-delay ang pagpasa sa batas ay dahil sinisiguro nilang malinaw ang mga salitang gagamitin upang hindi talaga ito magamit pampulitika.
Nilinaw ni Almario na ang AICS at iba pang ayuda ay hindi para sa personal promotion, endorsement, o politikal na bentahe ng sinumang opisyal.
Aniya, mandato ng Kamara ang patas, transparent, accountable, at non-partisan (walang pinapanigang partido) na pamamahagi ng ayuda.
Umaasa ang Mindanao solon na maplantsa ang “final language” ng panukala sa Bicameral Conference dahil ang layunin ng hakbang ay magbigay tulong at hindi pangangampanya.