Libo-libong residente at manggagawa sa San Jose del Monte, Bulacan ang nagprotesta laban sa PrimeWater Infrastructure Corporation na pinamumunuan ni Lucio Co.
Ginanap ang kilos-protesta sa labas ng Puregold-Starmall at hiniling na alisin ang PrimeWater sa operasyon ng tubig sa lungsod.
Pinangunahan ang pagkilos ng Confederation of City of San Jose del Monte Homeowners Associations o CCHOAI, SENTRO, at SELDA. Ayon sa mga grupo, simula pa lamang ito ng mas malawak na kampanya laban sa kumpanya.
Iginiit ng mga residente ang matagal nang problema sa serbisyo, kabilang ang madalas na water interruption, kakulangan ng suplay, mataas na singil, at maruming tubig.
Binanggit din ng CCHOAI ang ulat ng lokal na pamahalaan na 27 sa 37 pasilidad ng water system sa lungsod ay abandonado o hindi nagagamit nang maayos.
Kinondena rin ng mga grupo ang mga kasong isinampa ng PrimeWater laban sa mga hakbang ng lokal na pamahalaan.
Nangako ang mga residente na ipagpapatuloy ang kanilang protesta hanggang mapabuti ang serbisyo ng tubig. | ulat ni Rey Ferrer