Patuloy na inilalapit ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan ang mga serbisyong pangkalusugan sa mga mamamayan sa pamamagitan ng programang Alagang ang Galing, katuwang ang PhilHealth, upang matiyak na maging abot-kamay ang medical services maging sa mga malalayong barangay sa lalawigan.

Ayon sa Provincial Government, kabilang sa mga prayoridad ng administrasyon ni Governor Ramon Guico III ang pagpapalakas ng mga programang pangkalusugan upang mabigyan ng agarang atensyong medikal ang mga Pangasinense.
Sa ilalim ng programa, sabay na inihahatid ang iba’t ibang serbisyong medikal at mga benepisyong iniaalok ng PhilHealth, kabilang ang Yakap o Yaman ng Kalusugan Program, na nagbibigay ng libreng konsultasyon, laboratory at diagnostic tests, mga gamot, cancer screening, at iba pang preventive healthcare services.
Ayon sa pamahalaang panalalawigan, nais ng gobernador na maagapan ang mga karamdaman sa pamamagitan ng maagang pagsusuri at tuloy-tuloy na pangangalaga sa kalusugan ng mga residente.
Upang mapabilis ang proseso ng serbisyo, sumasailalim muna ang mga benepisyaryo sa beripikasyon ng kanilang PhilHealth membership. Isinasagawa rin ang identity verification gamit ang PhilHealth system bago makapagpakonsulta sa mga doktor at makatanggap ng mga kinakailangang gamot at bitamina.
May nakalaang registration assistance para sa mga hindi pa miyembro ng PhilHealth upang agad silang ma-enroll at mapakinabangan ang mga benepisyong pangkalusugan.
Kasunod nito, isinasagawa rin ang beripikasyon para sa Guiconsulta ID na ginagamit sa pag-avail ng iba pang serbisyong iniaalok ng pamahalaang panlalawigan.
Bukod sa mga serbisyong medikal, tumatanggap din ang mga benepisyaryo ng P300 cash assistance para sa kanilang pamasahe at pagkain habang nakikilahok sa programa.
Nagdadala rin ang Alagang ang Galing ng iba pang serbisyo mula sa iba’t-ibang tanggapan ng pamahalaan, kabilang ang pamamahagi ng mga punla mula sa Office of the Provincial Agriculture, livelihood assistance ng Public Employment Service Office (PESO), at mga serbisyo ng Philippine Statistics Authority para sa pagpaparehistro at pagkuha ng PhilSys ID.
Tiniyak ng Provincial Government na patuloy ang pag-iikot ng naturang programa sa iba’t-ibang bayan at barangay sa lalawigan upang mas maraming residente ang makinabang sa mga pangkalusugan at iba pang serbisyong inilalapit ng pamahalaang panlalawigan.
📷 Province of Pangasinan