Tuloy-tuloy ang paghahatid ng tulong medikal para sa mga pasyente ng Zamboanga Regional Medical Center sa Brgy. Pasobolong, Zamboanga City, sa pamamagitan ng Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) Program ng pamahalaan.

Ayon kay Jaycyll Tampos, Social Welfare Officer III ng ZRMC, nasa higit ₱52 milyon ang inilaang pondo ng pamahalaan para sa naturang ospital sa taong 2026 sa pagpapatupad ng nasabing programa.
Aniya, mula buwan ng Enero hanggang Agosto ngayong taon, aabot na sa 27,619 na pasyente ang nakinabang at natulungan sa ilalim ng MAIFIP.
Inaasahan pa niyang tataas ang nasabing bilang lalo na’t marami pang mga pasyente ang matutulungan sa pamamagitan ng naturang programa.
Samantala, sinisiguro naman ni Tampos sa publiko na walang pinipiling lugar at walang halong pamumulitika ang paghahatid ng MAIFIP sa lahat ng mga pasyenteng nangangailangan ng tulong medikal sa naturang institusyon.