Nanawagan ang Philippine National Police (PNP) sa mga opisyal ng Sangguniang Kabataan (SK) na maging aktibong katuwang nila sa pagtukoy ng mga maagang senyales ng panganib sa mga kabataan upang maiwasan ang karahasan sa kanilang mga komunidad.
Ayon kay PNP Chief, Police General Jose Melencio C. Nartatez, Jr., nasa magandang posisyon ang mga opisyal ng SK para tulungan ang pulisya na tukuyin ang mga isyung may kaugnayan sa mga estudyante at iba pang kabataan sa kanilang mga barangay.
Kasunod ito ng mga hakbang ng PNP upang maagapan ang mga bantang dulot ng dalawang estudyante, matapos makatanggap ng impormasyon mula sa mga concerned citizen tungkol sa kanilang mga post sa social media.
Ang dalawang estudyante, ang isa ay 13 taong gulang na Grade 8 learner at ang isa naman ay 18 taong gulang, ay nag-post sa kanilang mga social media account ng mga larawan kung saan makikitang may hawak silang baril.
Ayon kay PGEN Nartatez, maaaring makipag-ugnayan ang mga lokal na yunit ng pulisya sa mga SK council sa kanilang mga lugar upang maagang matukoy ang mga posibleng panganib sa pag-uugali ng mga estudyante.
Inatasan din ang mga yunit ng pulisya na palawakin ang mga community activity Kasama ang mga opisyal ng SK na nagtataguyod ng sports, leadership, at mga programang laban sa karahasan.