Mahigit 40 kabataan na umano ang nasagip ng Philippine National Police (PNP) dahil sa intelligence reports na may kaugnayan sa posibleng banta sa mga paaralan.
Ito ang inilahad ng budget sponsor ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na si House Appropriations Vice Chair Arnie Fuentebella sa Plenary deliberations ng 2027 National Budget.
Ang pahayag ay tugon sa tanong ni PHILRECA Party-list Representative Presley De Jesus kaugnay ng mga hakbang ng pamahalaan para maiwasan ang mga karahasan sa mga paaralan.
Ayon kay Fuentebella, bukod sa tatlong naiulat na deadly school shooting incidents, may mga insidente ring naagapan dahil sa impormasyon na nakalap ng mga awtoridad.
Sinabi rin niya na kailangang palakasin ang koordinasyon ng Pulisya, mga paaralan, barangay, local government units, mga magulang at Parent-Teacher Associations upang agad na matukoy at matugunan ang mga posibleng banta.
Mahalaga rin aniya na paigtingin ang Police intelligence at data capabilities upang mas maagap na matukoy at mapigilan ang mga posibleng insidente ng karahasan sa mga paaralan.