In full operations na muli ang Light Rail Transit (LRT) Line 2 na bumibiyahe mula Recto sa Maynila hanggang sa Antipolo City sa Rizal.
Ayon sa Light Rail Transit Authority (LRTA), natapos na ang pagkukumpuni sa nasirang catenary wire sa Antipolo station na tinamaan ng kidlat sa kasagsagan ng malakas na buhos ng ulan kahapon dulot ng thunderstorm.
Kasunod nito, nagpasalamat naman si LRTA Administrator, Atty. Hernando Cabrera sa engineering at maintenance personnel nito dahil sa maagap na pagkilos.
Humingi rin ng paumanhin ang LRTA sa mga pasahero nilang naperwisyo ng ipinatupad na provisional operations kahapon matapos ang insidente.
Kahapon, nilimitahan lamang ang biyahe ng LRT 2 mula Recto patungong Cubao at pabalik bilang bahagi ng provisional operations.