Bilang pagtugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pabilisin ang pamamahagi ng lupa at ipagkaloob ang buong suporta sa mga lokal na magsasaka, isinagawa ng Department of Agrarian Reform (DAR) Region VIII ang pamamahagi ng mga electronic Certificates of Land Ownership Award (e-CLOA) at suportang kagamitang pansaka nitong Setyembre 22, sa Leyte Convention Complex, Palo, Leyte.
Pinangunahan ni DAR Secretary Conrado Estrella III ang pamamahagi ng kabuuang 15,382 e-titles na sumasaklaw sa 36,662 ektarya ng lupang agrikultural sa buong rehiyon. Ang nasabing aktibidad ay isinagawa sa pamamagitan ng hybrid mode, kung saan personal na dinaluhan ng mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) mula sa Leyte at Southern Leyte, habang nakiisa naman sa pamamagitan ng online platform ang mga magsasaka at kinatawan mula sa Samar, Eastern Samar, Northern Samar, at Biliran.
Bukod sa pagpapatitulo ng lupa, itinampok din sa kaganapan ang seremonyal na pagturn-over ng mga makinarya at kagamitang pansaka na may kabuuang halagang ₱5,495,000 para sa mga napiling Agrarian Reform Beneficiaries Organizations (ARBOs) upang pataasin ang kanilang ani at kita.
Binigyang-diin ng kagawaran na ang inisyatibong ito ay napakamahalagang bahagi ng adbokasiya at prayoridad ng Administrasyong Marcos Jr. na siguruhin ang seguridad sa pagkain, palakasin ang pangkabuhayan sa kanayunan, at ipagkaloob ang tunay na kalayaan sa lupa para sa mga magsasaka sa Silangang Visayas.
📸 DAR