Posibleng ma-defer o maipagpaliban pa sa susunod na linggo ang nakatakdang pagboto ng mga senator-judge tungkol sa isyu ng voting threshold o bilang ng mga boto na kailangan para sa conviction ni Vice President Sara Duterte sa kanyang impeachment trial.
Ayon kay Impeachment Court Spokesperson Atty. Reginald Tongol, may ilang senator-judge na humihingi ng karagdagang oras para mapag-aralan ang magiging posisyon ng magkabilang panig matapos ang oral arguments.
Pinunto ni Tongol na maaari kasing may mga mailatag pang argumento ang depensa at prosekusyon sa gagawing oral arguments ngayong araw na hindi natalakay ng mga amici curiae o ‘friends of the court’ noong nakaraang linggo.
Posible aniyang kailanganin ng ilang senator-judge na pag-aralan muna ang mga bagong argumento sa weekend bago magpasya at bumoto.
Kaya hindi aniya malayong may humiling ng deferment o pagpapaliban ng botohan sa ngayong araw at maisagawa ito sa ibang araw sa susunod na linggo.