Kinumpirma ng Department of Finance (DOF) na hindi inendorso ng Development Budget Coordination Committee o DBCC kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang suspensiyon ng Fuel Excise Tax.
Sa naging pagdinig ng Senate Committee on Finance, inilahad ni Finance Secretary Frederick Go na labis na masasaktan ang revenue generation ng pamahalaan sakaling suspendihin ang excise tax sa petrolyo.
Giit ng kalihim na papalo sa ₱12 bilyon kada buwan ang mawawala sa kita ng pamahalaan at hindi rin ito magiging totoong sagot dahil ang totoong makikinabang sa hakbang na ito ay ang mayayaman na nananatiling top consumers ng petrolyo.
Kaya naman suhestiyon ng DOF ang mas targeted approach sa pagtulong tulad ng subsidy at iba pang assistance para sa mga vulnerable sectors tulad ng mga mahihirap, miyembro ng transport sector at agri sector.
Bagamat hindi tutol ang Finance Department sa anomang pagtatanggal sa tax revenue ay dapat sumunod ito sa konsepto ng revenue enhancement kung saan kapag may tinanggal ay dapat may ipalit upang hindi mawalan ng kita ang pamahalaan na ginagamit din naman sa mga programa at proyekto para sa bansa.