Patuloy na tinututukan ng Department of Energy o DOE ang sitwasyon ng suplay ng kuryente sa Visayas grid bunsod ng panibago na namang yellow at red alert status na naitala.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Energy Undersecretary Mario Marasigan na nakabalik naman talaga sa Visayas power grid ang mga power plants na noo’y nasa emergency outage ngunit sa kasawiang palad ay may ibang planta naman ang pumalya dahilan para numipis na naman ang reserba.
Sa ngayon kabilang sa immediate intervention ng DOE ang 250 megawatts na battery storage system para sa Visayas grid habang kabilang naman sa intermediate solution nito ang 208 megawatts energy barges na ilalagay sa iba’t ibang isla sa Visayas.
Patuloy naman ang mga hakbang ng DOE upang maisakatuparan naman ang long-term solutions nito na pagdaragdag ng energy capacity sa Visayas upang hindi na mangyari pa ang mga alert status sa power grid.