Photo courtesy of Department of Education (DepEd)
Nanawagan ang Department of Education (DepEd) sa mga magulang at guardian na mahigpit na bantayan ang online activities ng kanilang mga anak.
Ito’y kasabay ng pakiusap sa mga guro na magsilbing mapagkalingang “foster parents” sa paaralan, lalo’t nagiging lantad ang mga kabataan sa mga nakasasamang impluwensiya sa internet.
Ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara, kinakailangang bantayang maigi ang pagiging vulnerable ng kabataan ngayon sa impluwensya sa digital space at ang pangangailangan para sa mas matibay na ugnayan sa loob ng komunidad ng paaralan.
Dagdag pa ng kalihim, nananatiling pangunahing prayoridad ang pagprotekta sa mental health at kaligtasan ng mga mag-aaral sa kabila ng mga naitalang tagumpay sa edukasyon.
Gaya na lamang ng pag-unlad ng bansa sa Programme for International Student Assessment (PISA) 2025 at ang mga nakamit sa learning recovery sa pamamagitan ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program.
Kasalukuyang sinusuri ng kagawaran ang mga umiiral na patakaran upang hikayatin ang mga guro at kawani na maglaan ng higit na panahon sa direktang pakikipag-ugnayan sa mga mag-aaral at pag-alam sa kanilang kalagayan.