Nananatiling matatag ang ugnayang pangkalakalan ng ASEAN at China, sa kabila ng mga tension sa South China Sea.
Ito ang binigyang-diin ni Trade Secretary Cristina Roque matapos ang pagpupulong ng ASEAN Economic Ministers kay Yan Dong, Vice Minister of Commerce ng China.
Sa press briefing sa pagtatapos ng ASEAN Economic Ministers Meeting nitong Martes, inihayag ni Sec. Roque na magpapatuloy ang pagbuo at pagpapatupad ng free trade agreements na makatutulong sa pagpapalakas ng ekonomiya sa rehiyon, kung saan kabilang ang Pilipinas, alinsunod sa layunin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Isinagawa nitong Lunes sa Pasay City ang 25th Consultation sa pagitan ng ASEAN Economic Ministers at Ministry of Commerce ng China, sa pangunguna ng Pilipinas bilang ASEAN 2026 Chair.
Tinalakay sa pagpupulong ang pagpapalakas ng economic partnership ng ASEAN at China, kabilang ang pag-usad ng ratipikasyon ng ACFTA 3.0 Upgrade Protocol.
Kapag ganap nang naipatupad, inaasahang magbibigay ito ng mas matatag na supply chains at magbubukas ng karagdagang oportunidad sa digital at green economies ng rehiyon.
Ang China ang pinakamalaking trading partner ng ASEAN. Noong 2025, umabot sa USD 913 billion ang two-way merchandise trade ng ASEAN at China, na mas mataas ng 18.2 percent kumpara sa nagdaang taon. Samantalang umangat naman ng 0.5% ang foreign direct investment (FDI) mula China sa ASEAN, na nagkakahalaga ng USD $26.2 billion sa parehong panahon.
📸 ASEAN

