Pormal nang binuksan ng Kutur ni Jean, katuwang ang Bicol University College of Industrial Technology at SM City Legazpi, ang “Pinukpok: From Fiber to Fashion” ngayong hapon, Setyembre 22, 2026, sa 3rd floor ng SM City Legazpi.
Ayon kay Jean Alta, founder ng Kutur ni Jean, layunin ng aktibidad na ipagdiwang ang mga lokal na manghahabi, bigyang-inspirasyon ang mga kabataang malikhain, at ipakita na ang mga gawang Bicolano ay maaari ring makilala sa mundo ng fashion.
Dumalo naman sa pagbubukas sina Legazpi City Mayor Hisham Ismail, Bicol University Vice President for Planning and Development Sonny Ramos, siyam na pageant queens sa Bicol, at iba pang lokal na opisyal mula sa mga munisipyo sa Albay.
Sa kaniyang mensahe, sinabi ni Mayor Ismail na higit pa sa fashion ang aktibidad dahil itinatampok nito ang lokal na produkto at kultura, habang nagbibigay ng oportunidad sa kabuhayan ng mga Legazpeño.
Magpapatuloy naman ang aktibidad hanggang Setyembre 26, tampok ang mga likhang kasuotan gamit ang hinabing Pinukpok, gayundin ang eksibit, paghahabi nang aktuwal, libreng pagsasanay, paligsahan sa paggawa ng Filipiniana, at fashion show.
Nagpasalamat naman si Alta sa lahat ng dumalo at nagbigay ng suporta sa aktibidad at muling inimbitahan ang publiko na dumalo sa limang araw na kaganapan upang subaybayan ang mga aktibidad.