Tuloy-tuloy pa rin ang paghahanda ng Commission on Elections (COMELEC) sa Quezon City para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa November 2, kahit may mga hakbang para sa posibleng pagpapaliban nito.
Ayon kay Atty. Jan Ale Fajardo, Election Officer IV ng QC COMELEC ipagpapatuloy nila ang mga paghahanda hangga’t walang batas na nagpapaliban sa halalan.
Kabilang dito ang filing of Certificates of Candidacy mula September 28 hanggang October 5, habang nakatakda naman ang campaign period mula October 22 hanggang 31.
Pinapayuhan ang mga kandidato na kumpletuhin at sundin ang mga rekisito at alituntunin ng COMELEC para sa halalan.
Samantala, iniulat naman ng QCPD na mahigit 1,000 pulis ang ide-deploy para sa BSKE.
Makikipagtulungan din ang QCPD sa QC Traffic and Transport Management Department (TTMD), Department of Public Order and Safety (DPOS), at mga barangay multiplier para matiyak ang maayos at ligtas na pagsasagawa ng halalan.