Pormal nang lumapag sa Spain ang tanyag at napakatamis na mangga mula sa Island Province ng Guimaras bilang bahagi ng 100-kilogram test shipment ng Pilipinas upang pasukin ang malawak na merkado sa Europa.
Ayon sa pahayag ng Philippine Embassy sa Spain noong Hunyo 19, layunin ng hakbang na ito na direktang maikonekta ang mga lokal na magsasaka at mga Small and Medium Enterprises (SMEs) sa pandaigdigang pamilihan, pati na rin ang pagbuo ng bagong export pathways para sa mga de-kalidad na produktong agrikultural.
“Gaya ng pagdating ng mga mangga ng Guimaras dito sa Madrid, ikinalulugod naming ibahagi ang lasa ng Pilipinas at ipagmalaki ang isang produkto na sumasalamin sa kahusayan, pamanang lahi, at dedikasyon ng mamamayang Pilipino,” anang embahada.
Ang mangga ng Guimaras ang kauna-unahang rehistradong produktong may Geographical Indication (GI) sa Pilipinas. Ang GI ay isang pagkilala na ang kalidad, reputasyon, at natatanging tamis at bango ng prutas ay direkta at legal na nakatali sa pinagmulan nitong lalawigan.
Ito rin ang unang pagkakataon na nakarating ang naturang prutas sa Europa sa pamamagitan ng lokal na enterprise na Guimaras Wonder Farms.
Ayon naman kay Philippine Ambassador to Spain Philippe Lhuillier, ang pagpapasok ng mga premium na produktong Pinoy sa Europe ay magbubukas ng pinto ng oportunidad hindi lang para sa mga exporters kundi para na rin sa mga lokal na magsasaka at komunidad.
Bago nakarating sa Madrid, Spain, nagsimula ang paglalakbay ng mga mangga sa Brussels, Belgium (na siyang sentro ng European Union), at dumaan din sa iba pang mahahalagang lungsod tulad ng The Hague sa Netherlands, Paris sa France, at Berlin sa Germany.
Ang inisyatibang ito ay pinangunahan ng Department of Trade and Industry (DTI) Supply Chain and Logistics Group, DTI-Guimaras, pamahalaang panlalawigan ng Guimaras, Guimaras Wonder Farms, mga katuwang sa logistika, at mga Philippine Embassy at Trade Offices sa buong Europa.
📷 PH Embassy in Spain