Sa nakalipas na 24-oras, naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology
(PHIVOLCS) sa Bulkang Mayon ang 271 rockfall events, 8 volcanic earthquakes, 5 volcanic tremors na tumagal ng 11 hanggang 36 minuto, at isang Pyroclastic Density Current (PDC) o uson, ayon sa ulat ng ahensya ngayong June 22, 2026.
Nakitaan din ng banaag ang bulkan habang nagpapatuloy ang pagdaloy ng lava sa mga bangin ng Basud (3.8 kilometro), Bonga (3.2 kilometro), at Mi-isi (1.8 kilometro).
Nasa 2,032 tonelada kada araw ang sulfur dioxide flux ng bulkan batay sa pinakahuling monitoring ng ahensya nitong June 21.
May taas na 400 metro mula sa crater ang plume ng bulkan na nasa katamtamang pagsingaw at napadpad sa kanluran-timog-kanluran.
Naitala rin ang panandaliang pag-impis ng bulkan, na may nagsisimulang pamamaga sa hilagang-silangang bahagi nito.
Sa ngayon, nananatiling nakataas ang Alert Level 3 sa Bulkang Mayon kung kaya’t mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 6-kilometer Permanent Danger Zone at ang paglipad ng anumang sasakyang panghimpapawid sa ibabaw ng bulkan.
Pinaalalahanan din ng ahensya ang publiko na maaaring maganap ang pagguho ng bato, pag-itsa ng mga tipak ng lava o bato, pag-agos ng lava, uson, katamtamang pagputok, at pag-agos ng lahar sakaling magkaroon ng matinding pag-ulan.