Sa hangaring mapalakas ang food security at matulungan ang mga pamilyang Pilipino, sinimulan ngayong araw ang “Mula sa Puso Para sa Pamilya” Rice Initiative ni First Lady Liza Araneta-Marcos.
Isa itong community-based rice distribution drive na layong matiyak na may pagkain sa hapag ang mga pamilyang nangangailangan.
Pinangunahan mismo ng unang ginang ang pilot implementation ng programa sa Barangay Doña Imelda sa Quezon City, kasama sina Quezon City Mayor Joy Belmonte, Metro Manila Council President at San Juan Mayor Francis Zamora, at PCSO General Manager Mel Robles.
Umabot sa 1,200 benepisyaryo ang nakatanggap ng tig-sampung kilo ng bigas, kabilang si Nanay Femarie Marquez Roculas na nagpahayag ng pasasalamat sa natanggap na tulong. Aniya, malaking ginhawa ito lalo na’t patuloy ang pagtaas ng presyo ng bigas, at ang natipid niya rito ay magagamit na niya pambili ng ulam para sa kanilang pamilya.
Malaking tulong din para kay senior citizen Nanay Norlinda Hernandez ang natanggap na 10 kilo ng bigas na aniya’y maaari nilang magamit nang halos isang buwan.
Sa isinagawang distribusyon, nag-ikot din ang Unang Ginang at personal na kinamusta ang mga benepisyaryo sa barangay.
Pinondohan ang programa sa pamamagitan ng Local Government Support Fund (LGSF) ng National Govt at ipinatutupad katuwang ang mga lokal na pamahalaan.
Ayon kay Mayor Joy Belmonte, umabot na sa 210,000 pamilya sa Quezon City ang natulungan sa unang tranche ng libreng bigas.
Sa pamamagitan naman ng LGSF, nasa ₱462 milyon ang pondong inilaan para sa Quezon City na ipinambibili ng bigas mula sa mga lokal na magsasaka sa ilalim ng Sagip Saka Act.
Inaasahang magpapatuloy ang rice initiative at iikot pa sa iba pang lungsod sa Metro Manila.
