Naging postibo ang unang araw ng usapan sa pagitan ng Estados Unidos at Iran sa Buergenstock, Switzerland.
Ito ay ayon sa pahayag ng Qatar at Pakistan na tumatayong mediators sa nasabing usapan na iniulat sa CNN.
Idinaos nitong linggo ang unang araw ng high level talks sa pagitan ng dalawang bansa kung saan kapwa nagkasundo ang delegasyon mula US at Iran para sa isang roadmap upang makamit ang isang permanenteng peace deal sa loob ng 60 araw.
Ayon kay Iranian Foreign Ministry Spokesperson Esmaeil Baghaei, kabilang sa napag-usapan sa unang araw ang pag release ng mga frozen assests ng Iran at malayang pagbenta ng nasabing bansa ng langis.
Dagdag pa ng Iranian official na napagkasunduan ng US at Iran na kailangan ligtas na makadaan ang mga shipping vessels sa Strait of Hormuz.
Matatandaan na nagkaroon ng tensyon bago pa masimulan ang unang araw ng negosasyon matapos ang pahayag ng Iran na isasara nito muli ang Strait of Hormuz dahil sa kabiguan ‘di umano ng Estados Unidos na mapigilan ang Israel sa pag-atake nito sa Lebanon.
Tinugunan naman ito ni US President Donald Trump na muli nitong pag-iibayuhin ang military strike sa Iran at kukunin ang kontrol sa Strait of Hormuz.