Binalot ng takot at tensyon ang bakuran ng San Jose National High School sa Barangay San Jose, Tacloban City, matapos maganap ang isang insidente ng pamamaril bandang alas-9:00 ngayong umaga, Hunyo 22, 2026.
Sa isang opisyal na pahayag na inilabas ng Police Regional Office 8 (PRO-8), kinumpirma ng pamunuan ang na may tatlong (3) nasawi at limang (5) sugatan. Agad na dinala ang mga biktima sa mga kalapit na ospital upang lapatan ng kaukulang atensyong medikal.
Sa gitna ng kaguluhan, mabilis na rumesponde ang mga tauhan ng Tacloban City Police Office (TCPO) upang kontrolin at i-secure ang buong perimetro ng paaralan. Dahil sa maagap na aksyon ng kapulisan, agaran nilang nadakip ang isa sa mga suspek.
Gayunpaman, hindi pa rito nagtatapos ang operasyon. Kasalukuyan nang ikinakasa ng PRO-8 ang isang malawakang follow-up at manhunt operation upang tugisin ang isa pang suspek na mabilis na nakatakas matapos ang krimen.
Ayon sa PRO-8, kasalukuyan nang nagsasagawa ng malalimang imbestigasyon ang TCPO upang matukoy ang mga sirkumstansya at motibo sa likod ng marahas na insidenteng ito.
Upang ibalik ang kapanatagan at mapawi ang pangamba ng publiko, agad na nag-deploy ang PRO-8 ng karagdagang puwersa ng pulisya sa paligid ng paaralan. Layunin nitong tiyakin ang kaligtasan ng mga mag-aaral at mga magulang, mga guro, mga opisyal ng institusyon at buong komunidad sa Barangay San Jose.
Mariing nananawagan ang rehiyonal na kapulisan sa publiko na manatiling kalmado ngunit alerto. Hinimok din nila ang mga mamamayan na iwasan ang pagpapakalat ng mga hindi kumpirmadong impormasyon o fake news na maaaring magdulot ng panic sa social media.
Bukas ang linya ng PRO-8 para sa sinumang may hawak na mahalagang impormasyon na makatutulong sa mabilis na pagkaresolba at pag-usad ng kaso. | ulat ni Ma. Daisy Amor Lalosa-Belizar, RP Borongan
📸 PRO8