Photo courtesy of Rep. Toby Tiangco
Sa tulong ng tip ng isang residente kay Navotas Rep. Toby Tiangco, naaresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang 10 katao na umano’y sangkot sa “paihi” o pagbebenta ng diesel na may halong tubig.
Ikinasa ang operasyon matapos makatanggap si Tiangco ng anonymous text hinggil sa ilegal na kalakalan sa isang pabahay sa Tanza, Navotas.
Agad itong ipinaalam ng mambabatas sa CIDG na nagsagawa ng buy-bust operation at nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.
Nakumpiska rin sa operasyon ang isang tanker na may tinatayang 28,000 litro ng diesel na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P2.5 milyon at dalawang bangka na ginagamit umano sa operasyon.
Nabatid na ibinebenta ang ilegal na diesel sa mga gasolinahan at maliliit na mamimili sa halagang P150 kada balde.
Giit naman ni Rep. Tiangco, mapanganib ang ganitong gawain hindi lamang para sa mga residente kundi pati sa mga mangingisdang umaasa sa dagat para sa kanilang kabuhayan.
Aniya, kailangang matukoy ang lahat ng sangkot sa ilegal na operasyon at mapanagot ang mga ito sa batas.