Labis ang pagdadalamhati at pagkagimbal ng Roman Catholic Archdiocese of Palo kasunod ng naganap na madugong school shooting sa San Jose National High School nitong Lunes, na ikinasawi ng tatlong tao at ikinasugat ng hindi bababa sa 13 iba pa.
Sa isang opisyal na pahayag, inihayag ni Arsobispo John Du na “lubhang nabigla at nagluluksa” ang Simbahan sa tinawag niyang “kakila-kilabot na gawaing marahas” na yumanig sa buong komunidad.

Ayon sa ulat ng mga awtoridad, dalawang mag-aaral na may edad 14 at 15 ang biglang nagpaputok ng baril sa loob ng paaralan. Nagdulot ito ng matinding takot at kaguluhan kaya napilitang tumakbo at magtago ang mga estudyante at guro para sadyang maisalba ang kanilang mga buhay.
Agad namang naaresto ng mga pulis ang dalawang suspek na kasalukuyan nang nasa ilalim ng kustodiya ng mga batas.
Bukod sa pagdarasal para sa mga nasawi at sugatan, nagpaabot din ng pakikiramay ang arsobispo sa buong komunidad ng paaralan na labis na niyanig ng trahedya.
“Habang ipinagdarasal natin ang mga biktima at nakikiramay sa kanilang mga pamilya at mahal sa buhay, ang ating isip at panalangin ay nasa lahat din ng mga tao na sa isang paraan o iba pa ay naapektuhan ng trahedyang ito,” anila Du.
Nanawagan din ang pinuno ng simbahan sa publiko para sa isang mas malalim na pagsusuri kung paano ginagabayan ang mga kabataan ngayon. Binigyang-diin niya na ang pangyayaring ito ay isang malaking hamon sa bansa, sa mga pamilya, at sa komunidad na busisiin ang mga pagpapahalaga o values na itinuturo sa loob ng tahanan at paaralan.
Hinimok ni Du ang lahat na magkapit-bisig upang matugunan ang ugat ng ganitong uri ng karahasan at paigtingin ang mga hakbang upang matiyak na hindi na muling mauulit ang ganitong madilim na yugto sa kasaysayan ng rehiyon.
📷 Palo Archdiocese