Mahigpit na ipinatutupad ng Schools Division Office o SDO Quezon City ang zero tolerance sa ano mang uri ng karahasan, pang-aabuso, pananakot, at banta sa kaligtasan sa loob ng mga paaralan.
Ayon sa SDO QC, mananatiling zones of peace ang mga paaralan kung saan ligtas ang mga mag-aaral at kawani mula ano mang panganib.
Muli naman nitong pinaalalahanan ang mga eskwelahan na pairalin ang mga hakbang sa seguridad kabilang pagpapakita ng identification card ng mga bisita, kontroladong pagpasok at paglabas ng paaralan, pagsusuri ng bag at personal na gamit, koordinasyon sa school security personnel at Philippine National Police, at agarang pag-uulat ng kahina-hinalang tao o aktibidad.
Binigyang-diin ng SDO QC na may kanya-kanyang papel ang mga mag-aaral, magulang, at guro sa pagpapanatili ng ligtas na kapaligiran.
Hinikayat ang mga estudyante na sumunod sa mga patakaran sa kaligtasan, maging responsable at magalang; ang mga magulang naman ay makipagtulungan sa mga ipinatutupad na security measures; habang ang mga guro ay patuloy na magtaguyod ng kultura ng kaligtasan at proteksyon sa loob ng paaralan.
