Anim pang armas ang isinuko ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa sa Philippine National Police (PNP) kasunod na rin ng revocation o pagbawi sa kaniyang License to Own and Possess Firearms (LTOPF) at rehistro.
Ayon sa PNP Public Information Office, pinangasiwaan ito ng PNP Firearms and Explosives Office (FEO) at ng Regional Civil Security Unit 4A sa pakikipag-ugnayan sa lokal na pulisya.
Nabatid na isinuko ang naturang mga armas ng kinatawan ng senador buhat sa kaniyang tahanan sa Silang, Cavite para isailalim sa pansamantalang pangangalaga, at bilang pagtalima na rin sa mga umiiral na panuntunan.
Dahil dito, umakyat na sa 26 ang kabuuang bilang ng mga armas na isinuko ni Dela Rosa kasunod ng 20 iba pa na nauna nang isinuko noong June 11.
Saklaw ng revocation order ang kabuuang 117 na iba’t ibang uri ng armas na nakarehistro sa pangalan ng Senador.