Pinapurihan at pinasalamatan ng liderato ng Philippine National Police (PNP) ang mga tuhan nito na gumanap ng kanilang tungkulin para tiyakin ang ligtas at mapayapang pagdaraos ng UNDAS.
Ayon kay PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., kinikilala niya ang sakripisyong ginawa ng mga pulis na piniling malayo sa pamilya, magampanan lamang ang tungkulin para sa bayan.
Pinuri rin ni Nartatez ang mga katuwang na ahensya ng pamahalaan at mga force multiplier dahil sa kanilang naging kontribusyon sa mga operasyong panseguridad sa buong bansa.
Batay sa datos ng PNP hanggang kahapon, November 2, pumalo sa mahigit 40-milyon ang dumagsa sa mga sementeryo at kolumbarya sa buong bansa para gunitain ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
Nabatid na aabot sa 166,365 pulis at mga force multiplier sa buong bansa ang ipinakalat upang magbantay sa mga sementeryo at columbarium, simbahan, mga pangunahing kalsada, transport hub, mga tourist destination at mga checkpoint.
Alas-12:01 kaninang madaling araw, ibinaba na ng PNP sa “heightened” ang alert status mula sa dating “full” upang paghandaan naman ang nalalapit na ASEAN Summit and Related Summits sa November 16 hanggang 18.
