Palalakasin pa ng Department of Education (DepEd) ang programang Gulayan sa Paaralan sa buong bansa upang matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng masustansyang pagkain para sa mga mag-aaral sa harap ng banta ng Super El Niño.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, kanilang bibigyang prayoridad ang mga pananim na kayang mabuhay sa matinding init at kakulangan ng tubig, gaya ng munggo, okra, malunggay, saluyot, alugbati, at kamote.
Aniya, magpapatupad ng mga hakbang ang mga paaralan upang makatipid sa tubig, kabilang na ang pag-iipon ng tubig-ulan, drip irrigation at paggamit ng organikong pantakip sa lupa.
Para naman sa mga paaralang limitado ang espasyo, sinabi ni Angara na kanila ring isusulong ang container gardening, hydroponics, at vertical farming.
Kabilang sa mga makikinabang dito ang 700 paaralan na bibigyan ng hydroponics greenhouse facilities sa ilalim ng programang “Agri Tayo, Lab for All,” na inilunsad nina First Lady Lisa Araneta-Marcos kasama ang DepEd at Philippine Reclamation Authority.
Layunin ng mga hakbang na mapanatili ang suplay ng sariwang gulay para sa School-Based Feeding Program at maiwasang maapektuhan ang nutrisyon ng mga mag-aaral sa panahon ng matinding tagtuyot.
Hinimok naman ni Angara ang mga guro, magulang, lokal na pamahalaan, at mga organisasyon ng mag-aaral na magtulungan sa pangangalaga ng mga gulayan sa paaralan.


