Aabot sa mahigit 8,700 na indibidwal ang napagsilbihan ng Philippine Red Cross (PRC) sa limang araw na operasyon nito na may kaugnayan sa paggunita sa mga yumaong mahal sa buhay nitong UNDAS 2026.
Batay sa datos mula October 29 hanggang November 2, iniulat ng PRC na 359 ang nakaranas ng minor cases gaya ng pagkahilo, pagsusuka, galos, hiwa, pamamaga, hirap sa paghinga, at iba pa.
Nasa 19 naman ang nakaranas ng major cases gaya ng paninikip ng dibdib, pananakit ng likod, kawalan ng malay, atake sa puso, heat stroke, at iba pa.
Siyam sa mga naitalang pasyente ay kinailangang isugod sa ospital dahil sa iba’t ibang kaso gaya ng stroke, kawalan ng malay, panghihina ng katawan, at hypoglycemia.
Aabot naman sa 297 ang nabigyan ng welfare assistance ng halos 2,000 tauhan at volunteers.


