Pinuri ni Camarines Sur 5th District Representative Migz Villafuerte ang bagong digital payment system ng National Commission of Senior Citizens (NCSC) para sa pamamahagi ng cash gifts sa mga kwalipikadong senior citizens.
Ayon kay Villafuerte, mas mapapabilis at mapapadali ng bagong sistema ang pagkuha ng benepisyo ng mga nakatatanda dahil hindi na nila kailangang bumiyahe nang malayo at pumila nang matagal para lamang matanggap ang kanilang cash gifts.
Sa ilalim ng Expanded Centenarians Act, may matatanggap na tig-₱10,000 ang mga senior citizen na aabot sa edad na 80, 85, 90, at 95, habang ₱100,000 naman ang matatanggap ng mga magdiriwang ng kanilang ika-100 kaarawan.
Pormal na inilunsad ang digital payout system sa pamamagitan ng Supplemental Memorandum of Agreement sa pagitan ng NCSC at Land Bank of the Philippines.
Maaaring pumili ang mga benepisyaryo kung saan nila gustong matanggap ang kanilang cash gifts, kabilang ang bank accounts, GCash, Maya, MariBank at mga remittance center gaya ng Palawan Pawnshop, Western Union, at M Lhuillier, alinsunod sa mga itinakdang requirements.
Kailangan lamang mag-download ng updated claim forms mula sa website ng NCSC at ilagay ang kanilang napiling payment channel.