Nakatutok na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa paghahatid ng pagkain at malinis na inuming tubig sa mga pamilyang lumikas dahil sa banta ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.
Sa pangunguna ng DSWD Field Office 5 o Bicol Region, karagdagang 404 ready-to-eat food, 6.6 litro ng distilled water, at 91 family food packs ang naipaabot sa mga pamilyang lumikas mula sa Barangay San Roque at Calbayog sa bayan ng Malilipot, Albay.
Ang dalawang barangay ay kapwa nasa loob ng anim na kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) ng bulkan.
Una nang tiniyak ng DSWD na nakahanda ang nasa halos ₱5-bilyong halaga ng relief resources nito para makapagpaabot ng agarang tulong sa mga pamilyang maaaring maapektuhan ng aktibidad ng bulkan.
📸 DSWD

