Photos from Philippine Red Cross
Nagpaabot ng taos-pusong pakikidalamhati ang Philippine Red Cross (PRC) sa pamilya ng mga estudyanteng nasawi matapos ang nangyaring pamamaril sa San Jose National Highshool sa Tacloban City, kahapon.
Sa isang pahayag, sinabi ni PRC Chairperson at CEO Richard Gordon na nakalulungkot ang nasabing pangyayari lalo’t nangyari ang pamamaril sa loob mismo ng paaralan na isang “SAFE” space para sa mga kabataan.
Dahil dito, nanawagan si Gordon sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na paigtingin ang seguridad sa mga paaralan, at tiyakin na may mga counselor na maaaring makausap ng mga estudyante na nakararanas ng iba’t ibang hamon.
Kaisa aniya sila ng Department of Education (DepEd) para isulong ang kaligtasan, proteksyon at kapakanan ng mga mag-aaral.
Una rito, agad na tumugon ang PRC sa naturang insidente kung saan, nag-deploy sila ng mga ambulansya para ihatid ang mga biktima gayundin ay nagbigay ng psychosocial support at agarang pag-alalay sa mga estudyante, pamilya at school personnel.