PHOTO FROM DOH-EASTERN VISAYAS
Agarang nagsagawa ng post-incident coordination planning ang Department of Health–Eastern Visayas Center for Health Development (DOH-EV CHD) kasunod ng insidenteng naganap sa San Jose National High School sa Tacloban City noong umaga ng June 22.
Pinangunahan ni DOH-Eastern Visayas Regional Director Dr. Exuperia B. Sabalberino ang koordinasyon kasama ang iba pang ahensya at mga katuwang na institusyon, upang matiyak ang agarang pagtugon sa pangangailangan ng mga apektadong indibidwal at komunidad.
Kabilang sa mga nakibahagi sa pagpupulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Eastern Visayas Medical Center (EVMC), Department of Education (DepEd), Tacloban City Health Office, at mga guidance counselor mula sa Leyte National High School at Eastern Visayas State University.
Sa isinagawang pulong, tinalakay ang mga interbensyong ipatutupad para sa mga naapektuhang estudyante, guro, at kanilang mga pamilya. Kabilang dito ang Psychological First Aid (PFA), mental health interventions, psychiatric referrals, at iba pang kaukulang psychosocial support services.
Ayon sa DOH-Eastern Visayas, layunin ng mga hakbang na ito na matulungan ang mga apektado na makabangon mula sa naranasang trahedya at matiyak ang kanilang kaligtasan at kapakanan.