Pansamantalang ipinagbawal ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang online game na GoreBox.
Ito ay kasunod ng insidente ng pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlong estudyante at ikinasugat ng 20 iba pa.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng pulisya, isa sa mga Grade 9 student na sangkot sa insidente ay regular na naglalaro ng GoreBox.
Kinumpirma rin ito ni Police Regional Office 8 Director Police Brigadier General Jayson Capoy.
Sinabi ni CICC Undersecretary Aboy Paraiso na pansamantala lamang ang pagbabawal habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Layunin umano nito na masuri kung may naging impluwensiya ang laro sa mga suspek.
Ang GoreBox ay isang online sandbox game na kilala sa paggamit ng iba’t ibang armas at pagpapakita ng matitinding eksena ng karahasan.
Nakikipagtulungan na rin ang CICC sa Council for the Welfare of Children upang paigtingin ang pagbabantay sa mga online activity na may kaugnayan sa laro.