Suportado ng Philippine National Police (PNP) ang panukalang ibaba hanggang 12 years old ang pinakamababang edad na maaaring humarap sa criminal responsibility sa Pilipinas.
“The PNP is supporting the lowering the age of criminal responsibility po. We are thinking 12 years old po.” -Co.
Pahayag ito ni PNP Spokesperson Col. Allen Rae Co kasunod ng shooting incident sa isang paaralan sa Tacloban, na kinasasangkutan ng mga menor de edad, kung saan tatlo ang nasawi.
Ayon sa opisyal, isa sa mga dahilan ng pagsuporta ng PNP sa panukala ay ang pagtaas ng bilang ng children in conflict with the law (CICL) na nasasangkot sa iba’t ibang krimen.
Paglilinaw ng opisyal, hindi ito nangangahulugan na otomatiko nang mananagot ang isang menor de edad dahil lamang sa kaniyang edad.
Aniya, tutukuyin pa rin kung mayroong discernment ang aksyon ng isang CICL o kung nauunawaan nito ang kaniyang ginagawa, nang maganap ang krimen.
Sa ilalim aniya ng umiiral na batas, hindi nangangahulugang makaiiwas sa pananagutan ang mga menor de edad na nasasangkot sa malulubhang krimen.
Sa kaso ng 15-anyos na CICL sa Tacloban shooting, sinabi ng PNP na maaari itong sumailalim sa regular na paglilitis kung mapatutunayang kumilos ito nang mayroong discernment.
Habang, ang 14 years old na suspect ay ilalagay sa isang child protection facility ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) dahil sa bigat ng kasong kinahaharap nito.
“Malinaw naman po sa batas natin iyong una po iyong 15 years old – so, kapag 15 years old and one day is considered as above 15 na po. So, siya po ay mag-undergo at most probably makikita po ng DSWD that he acted with discernment at siya po ay will undergo regular trial/formal trial but of course while observing iyong Child Protection protocols.” -Co. | ulat ni Racquel Bayan