Kinumpirma ni House Prosecutor Jose Manuel “Chel” Diokno na si House Prosecutor at Senior Deputy Minority Leader Leila de Lima ang siyang magpiprisinta sa oral arguments ngayong darating na Miyerkules.
Ang oral aguments at nakasentro sa usaping kung dapat bang manatili sa 16 ang boto para sa hatol, o kung magbabago ito batay sa bilang ng mga aktibong senator-judges.
Sa kasalukuyan, may dalawang senador na nakakulong sa kasong plunder, isa ang nagtatago, at isa ang nasa medical leave, kaya 20 lamang ang aktibong dumadalo sa paglilitis.
Dagdag pa ni Diokno, mas makatotohanan para sa prosekusyon ang pananaw ng mga inimbitahang retired chief justices—kabilang sina Hilario Davide Jr., Artemio Panganiban, Reynato Puno, at Adolfo Azcuna—na nagsabing ang dalawang-katlong bahagi ay hindi nakapako sa tiyak na bilang kundi nakadepende sa proporsyon.
Gayunpaman, nilinaw ni Diokno na igagalang ng prosekusyon ang magiging pinal na desisyon ng impeachment court at nakatutok sila sa paghaharap ng matibay na ebidensya anuman ang maging pasya sa threshold.