Nananatiling mapayapa at maayos ang mga aktibidad ng iba’t ibang grupo ngayong araw, September 21.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson Police Colonel Allen Rae Co as of 11 AM, tatlong pagtitipon sa Metro Manila ang kanilang mino-monitor, na may kabuuang 350 na mga nakikibahagi.
Pinakamarami ang na-monitor sa San Sebastian Street corner Recto Avenue sa Maynila, na may 250 raliyista mula sa iba’t ibang grupo.
Nasa 70 naman ang nagtitipon sa España Boulevard, habang 30 ang nasa Nagtahan Street sa Sta. Mesa.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa aniya ang lahat ng naturang pagtitipon.
Ayon kay Co, walang kahit isang grupo ang nag-apply ng rally permit kaya dapat sa mga freedom park isagawa ang mga rally.
Tiniyak naman ni Co na ipatutupad ng PNP ang maximum tolerance sa lahat ng mga na-monitor na pagtitipon ngayong araw alinsunod sa kautusan ni Pangulong Ferdinan R. Marcos, Jr.
Samantala, nilinaw ni Co na pinakalma lamang ng mga pulis ang mga nakilahok sa isang rally sa Maynila kanina, matapos magkagulo dahil sa dalawang indibidwal na nahuling nagba-vandalize. Wala aniyang inaresto at pansamantala lamang silang pinigilan bago pinakawalan.