Naniniwala si Deputy Speaker Janette Garin na may sapat pang panahon ang Kongreso para maisabatas ang Anti-Dynasty Law na maaaring maipatupad sa 2028 elections.
Ayon kay Garin, kailangan lamang matapos ng Senado ang sariling bersyon nito upang mapag-usapan ng dalawang kapulungan ang mga pagkakaiba sa bicameral conference committee.
Sinabi niyang may political will naman ang mga mambabatas na tapusin ang panukala, kahit mangailangan ito ng dagdag na oras sa trabaho ng Kongreso.
Mahalaga rin, ayon kay Garin, na agad maihanda ang implementing rules and regulations o IRR matapos maisabatas ang panukala.
Una nang iniatas ng Supreme Court sa Kongreso na tuparin ang constitutional mandate na tukuyin at ipagbawal ang political dynasties.