Tatlo ang kumpirmadong nasawi at ilan pa ang nasugatan matapos ang insidente ng pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato bandang ala-una ng hapon ngayong Setyembre 18.
Sa isang pahayag, sinabi ni PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. na nakipag-ugnayan sila sa pamunuan ng paaralan at sa mga medical responder para matiyak ang kaligtasan ng mga apektadong mag-aaral at kawani.
Ayon kay Nartatez, patuloy na bineberipika ang buong pangyayari, kabilang ang mga sangkot, ang kanilang kalagayan, at ang dahilan ng pamamaril.
Katuwang aniya ng PNP ang Police Regional Office 12 at ang South Cotabato Police Provincial Office sa pangangalap ng impormasyon habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Nanawagan din ang PNP sa publiko na huwag magpakalat ng mga hindi beripikadong impormasyon, litrato, at video.
Sa ngayon, ang prayoridad aniya ay ang kaligtasan sa naturang paaralan at ang imbestigasyon sa insidente.
Samantala, kinumpirma naman ni Interior Secretary Jonvic Remulla na isang disaster risk management officer ng lokal na pamahalaan ang ama ng namaril, at siya umano ang may-ari ng baril na ginamit sa insidente.