Nanawagan si Senate Finance Committee Chairperson Senador JV Ejercito sa National Irrigation Administration o NIA na unahin ang mga pangmatagalang water retention at impounding projects para matugunan ang paulit-ulit na pagbaha sa Bulacan at Pampanga at matiyak ang suplay ng tubig para sa irigasyon.
Sa budget hearing para sa 2027 budget ng NIA, sinabi ni Ejercito na kailangan ng comprehensive master plan para sa Central Luzon upang maipon at maimbak ang sobrang tubig tuwing tag-ulan at magamit naman sa panahon ng tag-init.
Ayon kay Ejercito, hindi sapat na maglaan ng pondo para sa irrigation infrastructure kung walang sapat na tubig na dadaloy dito.
Hinimok din niya ang NIA at Department of Public Works and Highways (DPWH) na magtulungan sa mga flood management projects na maaari ring magsilbing water retention, irrigation at water supply facilities.
Kinuwestiyon ni Ejercito kung bakit may mga pangunahing proyekto ng NIA na matagal nang nakapaloob sa mga plano pero hindi pa rin naipatutupad.
Aniya, tila nahahati ang pondo sa maraming maliliit na proyekto sa halip na ituon sa malalaking imprastraktura.
Iginiit din ng senador ang pangangailangang masukat ang aktuwal na resulta ng mga proyektong pinondohan kabilang ang dami ng irrigation canals na naitayo o naayos, lawak ng mga sakahang nadiligan, bilang ng mga nakinabang na magsasaka at epekto nito sa kanilang ani at kita.
Kinuwestiyon din ni Ejercito ang malawakang paggamit ng concrete river walls at revetment projects, at sinabing maaaring mas malaking pangmatagalang pakinabang ang water-retention facilities.
Ayon sa senador, maaaring sabay na matugunan ng mga dam at retention facilities ang pagbaha, irigasyon, suplay ng bulk at potable water, at hydropower.
Hiniling niya sa NIA na magsumite ng mga panukalang major dam at water-retention projects, kasama ang multi-year funding plan, upang matukoy kung alin ang maaaring simulan sa taunang budget.
Samantala, inaprubahan sa committee level ang ₱233.85-bilyong proposed 2027 budget ng NIA