Office of the Ombudsman
Nahaharap sa reklamong kriminal at administratibo ang pamilya Villar at ilan pang indibidwal kaugnay ng isyu sa PrimeWater.
Ito ang inanusyo ni Assistant Ombudsman Mico Clavano sa isang pulong-balitaan sa Quezon City.
Kabilang sa mga respondent sina dating Public Works and Highways secretary at ngayo’y Senator Mark Villar, ang kapatid nitong si Senator Camille Villar, ang mag-asawang dating Senator Cynthia at Manuel Villar, at isa pa nilang anak na si Manuel Paolo Villar.
Natuklasan ng Office of the Ombudsman ang tinawag nitong “grossly disadvantageous joint venture agreements” ng PrimeWater sa ilang local water district sa Quezon, Laguna, at Cavite.
Ayon kay Clavano, kabilang sa reklamo ang dalawang bilang ng graft at iba pa.
Dadaan muna ang mga kaso sa preliminary investigation, kung saan bibigyan ng due process ang lahat ng respondent.
Nang tanungin kung pamumulitika ito o iniisa-isa ang mga senador sa minorya, sinabi ni Clavano na matagal nang isyu ang mga reklamo ng customer laban sa PrimeWater katulad ng maruming tubig at madalas na water interruptions.