Nagsagawa ng fact-finding investigation ang Office of the Ombudsman kaugnay ng tinatawag na “ghost internet scheme” sa Department of Information and Communications Technology.
Sa isang pulong-balitaan, inihayag ni Assistant Ombudsman Mico Clavano na nagbabayad ang pamahalaan ng bilyon-bilyong piso para sa mga IT system, ngunit kapag nai-deliver na ang hardware at router, aakalaing kasama na rito ang software at wala nang sumusuri pa.
Ito aniya ang loophole—dahil maaaring mag-install ang contractor ng mas mura, luma na, o pekeng software, samantalang hindi nagbabago ang halagang sinisingil.
Kabilang sa dapat masagot ang usapin ng mga kontrata, kung inflated ba ang presyo, at kung sino ang nag-apruba ng bayad para sa mga proyektong hindi naihatid.
Ayon kay Clavano, saklaw din nito ang free internet o Wi-Fi.
Mahalaga aniyang maimbestigahan ito dahil bukod sa bilyon-bilyong pisong nagagastos, naloloko rin ang taumbayan sa internet na hindi naman gumagana.