Wala pang impormasyon ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa kasalukuyang status ni dating Congressman Zaldy Co sa France, kabilang kung nag-apply siya ng asylum o kung naaprubahan ang kanyang aplikasyon.
Sa budget hearing sa Senado para sa 2027 proposed budget ng DFA, tinanong ni Senator Erwin Tulfo si DFA Secretary Maria Theresa Lazaro tungkol kay Co.
Ayon kay Lazaro, hindi nagbibigay ng impormasyon ang France tungkol sa asylum applications dahil sa mahigpit nitong privacy laws at regulations.
Aniya, kahit magtanong ang Philippine Embassy, hindi ipinapaalam ng host country kung may Pilipinong nag-apply ng asylum.
Tinanong din ni Tulfo kung ganito rin ang sitwasyon sa Austria kaugnay naman ng asylum application ni dating presidential spokesperson Harry Roque.
Sinabi ni Lazaro na wala ring impormasyon ang Philippine Embassy sa Vienna kung na-deny na ang asylum application ni Roque dahil sa parehong mahigpit na privacy rules.
Samantala, pinahayag din ng kalihim na wala rin silang impormasyon tungkol sa iba pang mga pulitikong hinahanap ng gobyerno na maaaring nasa ibang bansa.
Sa usapin naman ng passport ng mga ito, sinabi ng DFA na kung may warrant of arrest, maaari nitong hindi bigyan ng bagong passport ang isang indibidwal at sa halip ay mag-isyu ng travel document para makauwi sa Pilipinas.