Nakatakdang pangunahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang dalawang high-level meeting ng ASEAN Socio-Cultural Community (ASCC) mula Novrmber 4-6 sa Conrad Manila sa Pasay City.
Kabilang dito ang 41st Senior Officials Meeting for ASCC at ang 36th ASCC Council Meeting.
Ayon kay DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, magsisilbing talakayan ang mga pulong para tugunan ng mga opisyal at ministro ng ASEAN ang mahahalagang usaping may kinalaman sa humanitarian assistance at development sa rehiyon.
Inaasahang maisasapinal din dito ang mga dokumentong maglalayong mapabuti ang buhay ng mga mamamayan ng ASEAN, alinsunod sa apat na prayoridad ng ASCC na tinatawag na RISE: Resilient and Empowered Families, Inclusive Development, Smart Youth and Innovation, at Environmentally Sustainable and Food Secure Future.
Pagkatapos ng mga pulong, ililipat ng Pilipinas ang pamumuno sa ASCC sa Singapore, alinsunod sa nakatakdang alphabetical rotation ng ASEAN chairship.